Kwentong Pangkapaligiran:
PANGHULING BIKTIMA
ni Ledwina P. Delfino
Dalawang taon na ang nakalilipas
buhat nang mangibang bansa ang asawa ni Antonio upang doon magtrabaho. Sa labis
na pangungulila, ibinuhos niya ang nadaramang kalungkutan sa paglalasing upang
makalimot.
Mayroon siyang isang anak na babae
na ngayon ay ganap ng anim na taong gulang at nasa pangangalaga ng kanyang
yaya.
“Papa, aalis ka na naman po ba?”
“Merulyn, anak, dito ka lang ha.”
“Kumain po muna kayo”, malambing na
alok ni Merulyn.
“Hindi na, basta dito ka lang.”
“Wala po akong kasama rito.”
“Basta, huwag kang aalis, diyan ka
lang, nandyan naman si Yaya, lagi mong tatandaan ha, mahal na mahal ka ni
Papa”, paulit-ulit na bilin ni Antonio habang papaalis na ito.
Upang pawiin ang lungkot ni Merulyn,
ipinapasyal siya ng kanyang Yaya sa mall para maaliw sa mga bagay-bagay na
kanyang makikita roon.
“Yaya, bilhan mo ‘ko non.”
“Alin? ‘Yon ba?”
“Oo Yaya, gusto
ko ‘yon.”
“Walang
problema.”
“Talaga Yaya”
“Oo naman.”
Malaki-laki rin
ang perang ipinapadala ng asawa ni Antonio para sa kanilang mga gastusin sa
bahay at sa mga iba pang pangangailangan kaya anuman ang magustuhan ng bata ay
agad-agad na ibinibigay ng kanyang Yaya lalo pa’t kung para ito sa ikasisiya
nito. Isinasama rin ang bata ng kanyang Yaya sa sinehan upang manood ng sine
paminsan-minsan at nang sa gayon ay hindi ito gaanong mabagot sa pananatili sa
loob ng bahay.
Noong pitong
taon na si Merulyn, pumasok na ito sa paaralan na hatid-sundo ng kanyang Yaya
at binabantayan niya itong maigi at tinutulungan sa mga gawaing-paaralan gaya
ng kanyang pangako sa ama nito na kanya itong pakaiingatan. Dito na sa
paaralang ito nagkaroon si Merulyn ng isang matalik na kaibigan na
nakapagpupuno ng kalingang kanyang kinakailangan.
Samantalang si Antonio ay patuloy
lamang sa paglala ang kalagayan. Nagpapakalunod sa alak at sa masamang bisyo
upang aliwin ang sarili sa mga walang kwentang bagay na siyang tanging
nakagagamot sa makitid niyang isipan. Kinalaunan, natutunan niya rin ang
tumikim ng droga hanggang sa makagawian niya na ito na para bang
hinahanap-hanap niya. Dahil sa labis niyang pag-inom ng alak, lalo pa siyang
nakaiisip ng mga masasamang bagay at dahil sa impluwensya ng droga ay nagiging
kahindik-hindik ang kanyang mga ikinikilos. Mag-uumaga na kung siya ay umuwi at
maaga rin kung siya ay umalis.
Isang madaling araw, biglang
nagising si Merulyn dahil sa isang napakalakas at nakabubulabog na sunud-sunod
na katok sa pinto.
“Kayo po pala,
Papa”, si Merulyn ang nagbukas ng pinto.
“Anak!”
“San po kayo
galing?”
“Nagtrabaho.”
“Ba’t duguan po
kayo? Ba’t may itak po kayo?”, pag-uusisa ni Merulyn.
“A, ito ba?
Nagkatay kami ng baka, anak”, mabilis na tugon ni Antonio
“Ba’t amoy alak
po kayo?”
“Anak, pampaalis
lang 'to ng puyat, mas mabisa ‘to kaysa kape”, palusot ni Antonio. “Matulog ka
na, Merulyn, maaga pa, makasasama sa kalusugan mo ang kakulangan sa tulog.”
Sa katunayan,
bukod sa mga babaeng nagpasaya sa kanya kanina sa kanyang paboritong lugar ay
hindi niya pa rin natamasa ang kanyang hinahanap at parang may kulang pa.
Sa kalagitnaan
ng gabi, pumapasok siya sa bahay na kanyang madaraanan sa daan pauwi upang
kumuha ng isang batang babae. Para siyang isang asong nasisiraan ng bait.
Dinadala niya ito sa isang madilim na lugar upang gawin ang mga bagay na
naglalaro sa kanyang isipan. Tuwang-tuwa siya sa mga nakatitindig-balahibong
palahaw ng batang babae habang ginagawa niya ang kanyang gusto ngunit hindi pa
rito nagtatapos ang kanyang kaligayahan. Hindi pa siya kuntento at bilang
panapos-bilang huhugutin niya ang kanyang sinturon mula sa kanyang baywang
upang panoorin ang kasukdulan ng isang pelikula. Ang kahuli-hulihang tagpo ay
ang pagtadtad niya ng katawan ng batang ito sa pamamagitan ng malaking itak.
Tuwang-tuwa siya habang pinakikinggan ang napakalakas ngunit dagliang pag-iyak
ng bata na nakapagpapagaan ng kanyang kalooban. Ang tanging natitira sa mga
biktima ay ang bahaging ulo nito.
Naging libangan
na ni Antonio ang ganitong gawain. Kinaumagahan ay matatagpuan ang
pira-pirasong katawan. Saan mang dako ng Pilipinas, sa telebisyon man o sa
radyo, sa pahayagan man o sa usap-usapan ng mga tao, at sa ulo ng balita, sikat
na sikat na ang kanyang modus operandi.
“Isang batang
sugatan, punit-punit ang katawan, kagimbal-gimbal ang kalagayan, natagpuan!”
balita sa tv
“Isa na namang
batang babae ang natagpuan na puno ng tadtad sa katawan! Sino kaya ang walang awang nilalang ang may
kagagawan nito?”
"Marami
na'ng lasug-lasog na katawan ng batang babae ang ating nasasaksihan. Hindi kaya iisang tao lamang ang
nasa likod ng krimeng ito?”
“Ano ba’ng
itsura ng bangkay, Mare?” pag-uusisa ng isang aleng namamalengke.
“Hindi mo pa ba
napanonood sa telebisyon? Parang giniling na baboy ang dating! Katulad nitong
binibili mo, o.” biro ng isang tindero ng karne.
At sa tuwing
tatanungin ni Merulyn si Antonio kapag ito’y umaalis, iisa lamang ang
naisasagot nito.
“Pa, san po ang
punta niyo?”
“Sa trabaho,
anak.”
“Umuwi po agad
kayo.”
“Hindi ko
maipapangako anak, ipinaliwanag ko na sayo, ‘di ba? Marami akong tinatapos na
trabaho kaya kinakailangan kong mag-overtime.”palusot ni Antonio.
Kinausap muna ni
Antonio ng sarilinan ang kanilang katulong bago ito umalis.“Kung sakaling
kinailangan mong umalis, iiwanan mo ba ang anak ko rito nang nag-iisa?”
“Hindi ko naman
po iiwan si Merulyn ng basta-basta na lamang na walang kasama. Napamahal na po
ako kay Merulyn. Para ko na rin po siyang anak.”
“Mabuti naman kung ganon. Paano kung
hinihingi ng pagkakataon?”
“Sisiguraduhin ko pong may
maghahalili sa akin habang wala ako upang matiyak ko ang kanyang kaligtasan.
Bakit po ninyo naitatanong ang mga bagay na iyon? Mukha naman pong malusog na
bata si Merulyn.”
“Kahit na, mas mabuti pa rin ang
nag-iingat. Basta, lagi mong aalagaan ang aking anak.”
“Oo naman po Sir
.”
“Yaya, kayo
na’ng bahala kay Merulyn.” paulit-ulit nito habang papaalis na.
Bihirang umuwi
si Antonio sa kanilang bahay at natutulog na lamang kung saan abutan ng antok.
Kung makauwi man ay minsan na lamang.
Isang madaling
araw, umuwi si Antonio upang bisitahin ang pinakamamahal niyang anak ngunit
wala siyang nadatnan sa bahay. Dali-dali siyang tumawag sa presinto upang
ipaalam ang tungkol sa pagkawala ng kanyang anak. Makalipas ang isang oras ay
natapos rin ang kanyang paghihintay nang biglang tumunog ang telepono.“Si
Antonio po ‘to, may balita na po ba?”
“Natagpuan na!
Pumunta kayo rito ngayon din.”
“Maraming
salamat po,” at ibinaba ang telepono. “Salamat sa Diyos at natagpuan na
ang anak ko! Ngunit bakit patuloy
pa rin ang kabang namamayani sa
dibdib ko? Kailangan
kong makasigurado na anak ko nga ang
kanilang nakita! Kailangang mapuntahan ko agad
si Merulyn” bulong ni Antonio sa kanyang sarili.
Nagmamadali niyang tinungo ang istasyon ng pulis. Napaluhod siya sa
kanyang nakita. Hindi niya napigilang
umiyak sa labis na panghihinayang at
pagsisisi sa katotohanang hindi niya na maibabalik ang kanyang nasira anuman ang gawin niya. Sinong ama ang hindi magagalit sa
sarili kapag nahulog siya sa sarili niyang patibong.
Sariwang-sariwa pa sa alaala ni
Antonio ang batang babae kanina, takbo ng takbo habang hinahabol niya na
animo'y walang kalaban-laban sa maiiksi nitong hakbang. Takot na takot ito.
Muli niyang naririnig ang mga katagang binitiwan niya, "Galingan mo ang
pagtago... Nandito na ako... Bulaga! At damang-dama niya ang labis na
pagkabigla ng bata na tila ba katapusan na ng kanyang mundo at wala na siyang magagawa
upang iligtas ang kanyang sarili sa isang monster. Binahiran niya ito ng
putik at ninakawan ng dangal. Inalisan niya ito ng hininga at inialay sa altar.
Isang tapik sa balikat ang tinanggap
ni Antonio mula sa isang bata sa dakong likuran. "Patawarin mo po ako,
Tito, 'di ko siya nailigtas", mangiyak-ngiyak na sabi ni Arlene. Natulala
siya at napatitig ng matagal sa bata dahil sa narinig. Lalo siyang humagulgol.
Napag-alaman niyang umuwi pala ang
kanilang katulong sa kanilang probinsya dahil sa nagkaroon ng malubhang
karamdaman ang ina nito. Sa pag-aakala nito na magiging ligtas si Merulyn sa
bahay ng kaibigan ay ipinagkatiwala niya ito rito at ipinagbiling huwag na
huwag itong pababayaan. Nangako rin ang katulong na agad-agad siyang babalik
kapag gumaling na ang kanyang ina.
Sino nga ba si Arlene? Siya nga ba
ang naging dahilan upang matauhan si Antonio? Siya nga ba ang batang matagal ng
sinusundan ni Antonio? Siya nga ba ang batang pinagmamasdan ni Antonio kahapon?
Siya rin ba ang batang muntikan ng maging panghuling biktima?
Sadya nga bang mapagbiro ang
pagkakataon? Si Merulyn
ba ang naging dahilan upang wakasan na ang kasamaan ng kanyang ama? Ano nga ba
talaga ang nangyari ng gabing iyon? May alam kaya si Merulyn sa nangyari?
Umamin at sumuko kaya si Antonio sa awtoridad? Tumigil na kaya si Antonio sa
kanyang maling gawain simula ng araw na makita niya ang kaawa-awang sinapit ng
kanyang anak? Natauhan na kaya siya sa nangyari? Iyon na nga ba ang kanyang
panghuling biktima ? O may sumunod pang nangyari nang sumunod na gabi?