Biyernes, Marso 7, 2014

Ang Punungkahoy (Tula) ni Ledwina P. Delfino

Punungkahoy sa durungawan
Mataas, matayog na nilalang
Ang katawan nitong waring pinatibay na ng mga nagdaang araw
Ang mga sangang pinatatag na ng araw at ulan.

Mahirap buwagin ang matalas ng isipan
Matatag na ang isang pusong sinubok na ng kapanahunan
Ang mga kamay na pinanday na ng karunungan
At ang isipang pinayaman na ng karanasan.

Parang kailan lamang, masayang minamasdan 
Ang punong balu-baluktot ang mga sangang nakikisayaw 
Sa hampas ng banayad na hangin sa durungawan... 
Isang taon na ang nagdaan, 

Higit na kahanga-hanga palang pagmasdan 
Ang tuwid at matayog na punong
Hindi basta-bastang natitinag ninuman...
Ang punungkahoy sa durungawan




Biyernes, Pebrero 28, 2014

Mga Gintong Aral sa mga Diwang Nag-aapuhap ng Liwanag

Mga Gintong Aral sa mga Diwang Nag-aapuhap ng Liwanag
~ni Ledwina P. Delfino~

Sa baraha ng buhay, hindi mo natitiyak kung alas o kung trese ang nakataob na barahang susunod mong bubunutin... malamang magdadalawang-isip ka... maaring magdro ka na... o maaring kunin mo ito... maaaring magdalawang-isip ka na sumugal... pagkat wala ngang katiyakan... subalit paano kung ang kasalukuyang barahang hawak mo ay matagal mo ng alam na trese, wala ka ring inaaasahan... magdodro ka na ba sa barahang ito na alam mo namang matagal ng trese? o bubunutin mo ang baraha na alam mong kung hindi alas ay trese? ~Ledwina P. Delfino _ 10/16/2013~

We have different ways of making things happen, but always remember the word "respect." And instead of evaluating the product, we must first analyze the process. ~Ledwina P. Delfino _ 09/18/2013~

Ang bawat bagay, ang bawat kataga at ang bawat bulalas ng damdamin ay may tamang dulog, panahon at lugar. Ang bawat kilos at pagbitiw ng anumang kataga ay nangangailangang lakipan ng mahusay na pagpapasya. May mga bagay na ipinalalagay nating tama at makatwiran subalit hindi katanggap-tanggap sa iba. May mga sitwasyong pakiwari nati’y makabubuti subalit may salungat na implikasyon sa ating kapwa. Huwag tayong labis na panatag sa ating mga sariling pananaw at saloobin at maging maingat tayo sa lahat ng ating hakbang. ~Ledwina P. Delfino _ 09/10/2013~

Ang iyong konsepto sa sarili ay nahuhubog sa pamamagitan ng mga obserbasyon ng ng ibang tao sa iyo batay sa kanilang pamantayan. Ang obserbasyon o mga komento sa iyong pagkatao ay nakapagpapataas o nakapagpapababa ng iyong pagtingin sa sarili. Mismong ang iyong sarili ang siyang tumatanggap sa pananaw na ito at ikaw din ang bahalang sumang-ayon o hindi ayon sa iyong pamantayan at pagkakakilala sa sarili. Ang pananaw ng iba ay may epekto sa pagbuo ng konsepto ukol sa sarili. Gawing batayan ang iyong mga kalakasan sa pagganap ng mga tungkulin. Upang magkaroon ng tiwala sa sarili, mahalagang matukoy ang kahinaan at ang mga paraan kung paano ito malalampasan. Iwasang ikumpara ang tagumpay ng iba sa iyong sariling tagumpay dahil magdudulot ito ng panghihina ng loob. Isipin mo na ang bawat isa ay pinagkalooban ng mga kakayahan upang maisakatuparan ang kanyang tungkulin at mapaunlad ang sarili. Nabubuo ang pagtitiwala sa sarili kung hindi ka umaasa sa mga panghuhusga at opinyon ng iba. Kung kilala mo ang iyong mga kakayahan at talino maiiwasan ang madaling pagtanggap sa opinyon at panghuhusga ng ibang tao kung ano ang iyong mga kakayahan at tungkulin. ~Ledwina P. Delfino _ 09/06/2013~

Ang pagpili ng taong mamahalin ay parang pagpili ng damit na bibilihin... kahit bagay sayo 'yung isa, dun ka pa rin sa kung saan ka komportable at masaya... ang pinakamahalagang bagay... kung saan palagay at panatag ang loob mo... kung sino ang nakauusap mo ng komportable tungkol sa mga bagay-bagay sa buhay nang walang halong pagkukunwari... yaong taong hindi ka mag-aalangang sabihin sa kanya ang lahat ng bagay tungkol sayo... yaong batid mong di ka pagtatawanan at hindi magbabago ang tingin sayo kahit malaman ang mga kahinaan mo... yaong tanggap ka maging sino ka man, maging ano ka man, at handa kang tanggapin nang buong-buo... ang iyong mga kagalingan at pagkukulang... dahil samahan ka man ng taong bilib sa kagalingan mo... iba pa rin ang pakiramdam pag kasama mo ang taong tanggap ang kahinaan mo... iyong taong hindi ka iiwan kahit hindi ka na naiintindihan... handa kang samahan sa lahat ng oras, sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng panahon... at handa kang mahalin nang walang anumang kapalit... ~Ledwina P. Delfino _ 08/27/2013~

Ang tao ang gumagawa ng kanyang sariling kapalaran batay sa kanyang sariling mapanagutang pagpapasya. Tayo ang nakaaalam kung ano ang higit na mainam at makabubuti... Subalit pakaalalahaning ang Poong Maykapal ay laging naghahangad na tayo'y malagay sa payapa at masayang buhay para sa atin... Saan man tayo nakarating... hindi tayo magiging maligaya kung wala ang presensya ng Dakilang Lumikha sa ating mg mga puso... "GOD IS GOOD ALL THE TIME, ALL THE TIME GOD IS GOOD." ~Ledwina P. Delfino _ 08/02/2013~

Tatlong hakbang pa't makakamtan na rin ang ningning at liwanag... Sulong tungo sa magandang bukas... Isang masiglang ngiti para sa lahat... Nawa'y sumikat na ang haring araw at gumuhit ang mga silahis nito sa aking mga labi... Darating din ang bukang liwayway at maaaninag ang mga repleksyon nito sa karagatan... Sisikat din ang araw at ngingiti ang bagong umaga... ~Ledwina P. Delfino _ 07/21/2013~

If you wanted to be loved... asked yourself first if you know the word "love" and "how to love others?"... every person you meet treats you on how you treat them... "MIRROR/REFLECTION" ~Ledwina P. Delfino _ 07/21/2013~

Para sa may mga hilig sa Cartoon on Screen Play...



COS Play. Ito ay isa sa mga inihandang gawain ng Kolehiyo ng Arts and Sciences na nakatawag ng aking pansin. Sa aking palagay malaki ang maitutulong nito kung bibigyan ito ng diin at hindi basta lamang babalewalain. Nagpapakita ito ng pagkamalikhain, sining ng pagpapahayag, panlipunang pagpapahalaga at kabuluhan ng makabagong agham at teknolohiya. Marami sa mga naging kalahok sa patimpalak na ito ay nagpakita at nagpamalas ng husay sa paggagad sa iba’t ibang karakter at ang bawat isa’y kumakatawan ng kanilang husay sa pag-arte at pagkilos sa entablado.

Ang COS Play ay magdudulot ng malaking kapakinabangan kung ito ay ipakikilala bilang isang gawaing pagkatuto sa mga nasa antas elementarya, sekundarya at tersyarya. Ito ay makatutugon sa malaking pangangailangan ng mga mag-aaral na may talinong visual-spatial upang maipahayag ang kanilang sarili at malinang ang kanilang kakayahan at talento sa larangangito. Sa loob ng aking apat na taon sa mundo ng pagtuturo, napagmasdan ko na maraming mag-aaral ang abala sa pagguhit ng mga anime at mga cartoon characters sa kanilang nowtbok habang abala sa pagtuturo ang guro na kadalasa’y nauuwi sa pagkuha nito sa kadahilang nakaaapekto sa klase. Subalit kung magkakaroon lamang ang mga mag-aaral na may talinong visual-spatial na mabigyan ng programang magbibigay sa kanila ng pagkakataong mapaunlad nila ang kasanayang ito na nababatay sa kanilang hilig at interes, malamang magiging kasiya-siya ang gawaing ito at mapahahalagahan ang kanilang angking-husay sa sining ng pagguhit at pagpapahayag.

Higit na mainam at makabuluhan kung ito’y maipagpapatuloy at lalo pang mapauunlad sa pamamagitan ng mga gawaing pagtatanghal at iba pang karagdagang aktibidad kaugnay nito .

Happy CAS Foundation Day! 

ld02082014
 — feeling wonderful.

"Gintong Dahon ng mga Litanya"

Ang pagtatapos sa kolehiyo ay simula pa lamang ng isang mas malaking hamon at pagsubok...
hindi pa ito katapusan ng lahat ng bagay o suliranin sa buhay...
datapwa't ito'y unang hakbang pa lamang sa mga susunod na tagumpay...
~Ledwina P. Delfino _ 02/27/2014~

Kailangan nating malasap ang pait nang manamnam natin ang tamis ng tagumpay...
Ang kabuluhan ng isang bagay ay lalong nasasamsam kung ito'y pinagsisikapang makamtan...
Ang rurok at kaganapan ay natatamo sa pamamagitan ng pagpupursige at pananalig...
~Ledwina P. Delfino _ 02/28/2014~



Ang pagiging bata ay minsan lamang dadaan...
Huwag hahayaang lumipas ang mga araw sa mga bagay na walang kabuluhan...
Pagkat isang beses lamang tayo mananaha't mamamaalam...
Pakatiyaking nakalikha tayo ng mga mabubuting bagay habang nabubuhay...
~Ledwina P. Delfino _ 02/28/2014~

Lunes, Pebrero 25, 2013

PANGHULING BIKTIMA ni Ledwina P. Delfino (Kwentong Pangkapaligiran)



Kwentong Pangkapaligiran:


PANGHULING BIKTIMA
ni Ledwina P. Delfino




         
Dalawang taon na ang nakalilipas buhat nang mangibang bansa ang asawa ni Antonio upang doon magtrabaho. Sa labis na pangungulila, ibinuhos niya ang nadaramang kalungkutan sa paglalasing upang makalimot.

Mayroon siyang isang anak na babae na ngayon ay ganap ng anim na taong gulang at nasa pangangalaga ng kanyang yaya.

“Papa, aalis ka na naman po ba?”
“Merulyn, anak, dito ka lang ha.”
“Kumain po muna kayo”, malambing na alok ni Merulyn.
“Hindi na, basta dito ka lang.”
“Wala po akong kasama rito.”
“Basta, huwag kang aalis, diyan ka lang, nandyan naman si Yaya, lagi mong tatandaan ha, mahal na mahal ka ni Papa”, paulit-ulit na bilin ni Antonio habang papaalis na ito.

Upang pawiin ang lungkot ni Merulyn, ipinapasyal siya ng kanyang Yaya sa mall para maaliw sa mga bagay-bagay na kanyang makikita roon.

“Yaya, bilhan mo ‘ko non.”
“Alin? ‘Yon ba?”
“Oo Yaya, gusto ko ‘yon.”
“Walang problema.”
“Talaga Yaya”
“Oo naman.”

Malaki-laki rin ang perang ipinapadala ng asawa ni Antonio para sa kanilang mga gastusin sa bahay at sa mga iba pang pangangailangan kaya anuman ang magustuhan ng bata ay agad-agad na ibinibigay ng kanyang Yaya lalo pa’t kung para ito sa ikasisiya nito. Isinasama rin ang bata ng kanyang Yaya sa sinehan upang manood ng sine paminsan-minsan at nang sa gayon ay hindi ito gaanong mabagot sa pananatili sa loob ng bahay.

Noong pitong taon na si Merulyn, pumasok na ito sa paaralan na hatid-sundo ng kanyang Yaya at binabantayan niya itong maigi at tinutulungan sa mga gawaing-paaralan gaya ng kanyang pangako sa ama nito na kanya itong pakaiingatan. Dito na sa paaralang ito nagkaroon si Merulyn ng isang matalik na kaibigan na nakapagpupuno ng kalingang kanyang kinakailangan.

Samantalang si Antonio ay patuloy lamang sa paglala ang kalagayan. Nagpapakalunod sa alak at sa masamang bisyo upang aliwin ang sarili sa mga walang kwentang bagay na siyang tanging nakagagamot sa makitid niyang isipan. Kinalaunan, natutunan niya rin ang tumikim ng droga hanggang sa makagawian niya na ito na para bang hinahanap-hanap niya. Dahil sa labis niyang pag-inom ng alak, lalo pa siyang nakaiisip ng mga masasamang bagay at dahil sa impluwensya ng droga ay nagiging kahindik-hindik ang kanyang mga ikinikilos. Mag-uumaga na kung siya ay umuwi at maaga rin kung siya ay umalis.

Isang madaling araw, biglang nagising si Merulyn dahil sa isang napakalakas at nakabubulabog na sunud-sunod na katok sa pinto.

“Kayo po pala, Papa”, si Merulyn ang nagbukas ng pinto.
“Anak!”
“San po kayo galing?”
“Nagtrabaho.”
“Ba’t duguan po kayo? Ba’t may itak po kayo?”, pag-uusisa ni Merulyn.
“A, ito ba? Nagkatay kami ng baka, anak”, mabilis na tugon ni Antonio
“Ba’t amoy alak po kayo?”
“Anak, pampaalis lang 'to ng puyat, mas mabisa ‘to kaysa kape”, palusot ni Antonio. “Matulog ka na, Merulyn, maaga pa, makasasama sa kalusugan mo ang kakulangan sa tulog.”

Sa katunayan, bukod sa mga babaeng nagpasaya sa kanya kanina sa kanyang paboritong lugar ay hindi niya pa rin natamasa ang kanyang hinahanap at parang may kulang pa.

Sa kalagitnaan ng gabi, pumapasok siya sa bahay na kanyang madaraanan sa daan pauwi upang kumuha ng isang batang babae. Para siyang isang asong nasisiraan ng bait. Dinadala niya ito sa isang madilim na lugar upang gawin ang mga bagay na naglalaro sa kanyang isipan. Tuwang-tuwa siya sa mga nakatitindig-balahibong palahaw ng batang babae habang ginagawa niya ang kanyang gusto ngunit hindi pa rito nagtatapos ang kanyang kaligayahan. Hindi pa siya kuntento at bilang panapos-bilang huhugutin niya ang kanyang sinturon mula sa kanyang baywang upang panoorin ang kasukdulan ng isang pelikula. Ang kahuli-hulihang tagpo ay ang pagtadtad niya ng katawan ng batang ito sa pamamagitan ng malaking itak. Tuwang-tuwa siya habang pinakikinggan ang napakalakas ngunit dagliang pag-iyak ng bata na nakapagpapagaan ng kanyang kalooban. Ang tanging natitira sa mga biktima ay ang bahaging ulo nito.

Naging libangan na ni Antonio ang ganitong gawain. Kinaumagahan ay matatagpuan ang pira-pirasong katawan. Saan mang dako ng Pilipinas, sa telebisyon man o sa radyo, sa pahayagan man o sa usap-usapan ng mga tao, at sa ulo ng balita, sikat na sikat na ang kanyang modus operandi.

“Isang batang sugatan, punit-punit ang katawan, kagimbal-gimbal ang kalagayan, natagpuan!” balita sa tv
“Isa na namang batang babae ang natagpuan na puno ng tadtad sa katawan! Sino kaya ang walang awang nilalang ang may kagagawan nito?”
"Marami na'ng lasug-lasog na katawan ng batang babae ang ating nasasaksihan. Hindi kaya iisang tao lamang ang nasa likod ng krimeng ito?”
“Ano ba’ng itsura ng bangkay, Mare?” pag-uusisa ng isang aleng namamalengke.
“Hindi mo pa ba napanonood sa telebisyon? Parang giniling na baboy ang dating! Katulad nitong binibili mo, o.” biro ng isang tindero ng karne.

At sa tuwing tatanungin ni Merulyn si Antonio kapag ito’y umaalis, iisa lamang ang naisasagot nito.

“Pa, san po ang punta niyo?”
“Sa trabaho, anak.”
“Umuwi po agad kayo.”
“Hindi ko maipapangako anak, ipinaliwanag ko na sayo, ‘di ba? Marami akong tinatapos na trabaho kaya kinakailangan kong mag-overtime.”palusot ni Antonio.

Kinausap muna ni Antonio ng sarilinan ang kanilang katulong bago ito umalis.“Kung sakaling kinailangan mong umalis, iiwanan mo ba ang anak ko rito nang nag-iisa?”
“Hindi ko naman po iiwan si Merulyn ng basta-basta na lamang na walang kasama. Napamahal na po ako kay Merulyn. Para ko na rin po siyang anak.”
“Mabuti naman kung ganon. Paano kung hinihingi ng pagkakataon?”
“Sisiguraduhin ko pong may maghahalili sa akin habang wala ako upang matiyak ko ang kanyang kaligtasan. Bakit po ninyo naitatanong ang mga bagay na iyon? Mukha naman pong malusog na bata si Merulyn.”
“Kahit na, mas mabuti pa rin ang nag-iingat. Basta, lagi mong aalagaan ang aking anak.”
“Oo naman po Sir .”
“Yaya, kayo na’ng bahala kay Merulyn.” paulit-ulit nito habang papaalis na.
Bihirang umuwi si Antonio sa kanilang bahay at natutulog na lamang kung saan abutan ng antok. Kung makauwi man ay minsan na lamang.

Isang madaling araw, umuwi si Antonio upang bisitahin ang pinakamamahal niyang anak ngunit wala siyang nadatnan sa bahay. Dali-dali siyang tumawag sa presinto upang ipaalam ang tungkol sa pagkawala ng kanyang anak. Makalipas ang isang oras ay natapos rin ang kanyang paghihintay nang biglang tumunog ang telepono.“Si Antonio po ‘to, may balita na po ba?”
“Natagpuan na! Pumunta kayo rito ngayon din.”
“Maraming salamat po,” at ibinaba ang telepono. “Salamat sa Diyos at natagpuan  na ang anak  ko! Ngunit  bakit patuloy  pa rin ang kabang namamayani sa  dibdib ko? Kailangan kong makasigurado  na anak ko nga ang kanilang nakita! Kailangang mapuntahan ko agad  si Merulyn” bulong ni Antonio sa kanyang sarili.

Nagmamadali niyang tinungo  ang istasyon ng pulis. Napaluhod siya sa kanyang nakita. Hindi niya  napigilang umiyak  sa labis na panghihinayang at pagsisisi sa katotohanang hindi niya na maibabalik  ang kanyang nasira  anuman ang gawin  niya. Sinong ama ang hindi magagalit sa sarili kapag nahulog siya sa sarili niyang patibong.

Sariwang-sariwa pa sa alaala ni Antonio ang batang babae kanina, takbo ng takbo habang hinahabol niya na animo'y walang kalaban-laban sa maiiksi nitong hakbang. Takot na takot ito. Muli niyang naririnig ang mga katagang binitiwan niya, "Galingan mo ang pagtago... Nandito na ako... Bulaga! At damang-dama niya ang labis na pagkabigla ng bata na tila ba katapusan na ng kanyang mundo at wala na siyang magagawa upang iligtas ang kanyang sarili sa isang monster. Binahiran niya ito ng putik at ninakawan ng dangal. Inalisan niya ito ng hininga at inialay sa altar.

Isang tapik sa balikat ang tinanggap ni Antonio mula sa isang bata sa dakong likuran. "Patawarin mo po ako, Tito, 'di ko siya nailigtas", mangiyak-ngiyak na sabi ni Arlene. Natulala siya at napatitig ng matagal sa bata dahil sa narinig. Lalo siyang humagulgol.

Napag-alaman niyang umuwi pala ang kanilang katulong sa kanilang probinsya dahil sa nagkaroon ng malubhang karamdaman ang ina nito. Sa pag-aakala nito na magiging ligtas si Merulyn sa bahay ng kaibigan ay ipinagkatiwala niya ito rito at ipinagbiling huwag na huwag itong pababayaan. Nangako rin ang katulong na agad-agad siyang babalik kapag gumaling na ang kanyang ina.

Sino nga ba si Arlene? Siya nga ba ang naging dahilan upang matauhan si Antonio? Siya nga ba ang batang matagal ng sinusundan ni Antonio? Siya nga ba ang batang pinagmamasdan ni Antonio kahapon? Siya rin ba ang batang muntikan ng maging panghuling biktima?


Sadya nga bang mapagbiro ang pagkakataon? Si Merulyn ba ang naging dahilan upang wakasan na ang kasamaan ng kanyang ama? Ano nga ba talaga ang nangyari ng gabing iyon? May alam kaya si Merulyn sa nangyari? Umamin at sumuko kaya si Antonio sa awtoridad? Tumigil na kaya si Antonio sa kanyang maling gawain simula ng araw na makita niya ang kaawa-awang sinapit ng kanyang anak? Natauhan na kaya siya sa nangyari? Iyon na nga ba ang kanyang panghuling biktima ? O may sumunod pang nangyari nang sumunod na gabi?