Biyernes, Marso 7, 2014

Ang Punungkahoy (Tula) ni Ledwina P. Delfino

Punungkahoy sa durungawan
Mataas, matayog na nilalang
Ang katawan nitong waring pinatibay na ng mga nagdaang araw
Ang mga sangang pinatatag na ng araw at ulan.

Mahirap buwagin ang matalas ng isipan
Matatag na ang isang pusong sinubok na ng kapanahunan
Ang mga kamay na pinanday na ng karunungan
At ang isipang pinayaman na ng karanasan.

Parang kailan lamang, masayang minamasdan 
Ang punong balu-baluktot ang mga sangang nakikisayaw 
Sa hampas ng banayad na hangin sa durungawan... 
Isang taon na ang nagdaan, 

Higit na kahanga-hanga palang pagmasdan 
Ang tuwid at matayog na punong
Hindi basta-bastang natitinag ninuman...
Ang punungkahoy sa durungawan